Aklan News
SARA DUTERTE, POSIBLENG MAGPRESIDENTE, BISE PRESIDENTE O UMATRAS NA LANG SA PAGTAKBO SA ANUMANG POSISYON
Posibleng tumakbo bilang presidente, bise president, senador o umatras na lang sa pagtakbo sa anumang posisyon si presidential daughter Mayor Inday Sara Duterte.
Ito ang pahayag ni Peter Tui Lavina, co-convenor ng Sara All Phils 2020 sa panayam ng Radyo Todo.
May kaugnayan ito sa biglang pagbawi ni Sara ng kandidatura sa pagka-alkalde ng Davao nitong Martes.
Ayon kay Lavina, dumating na sa Manila ang mga miyembro ng Hukbong Pagbabago, mga leaders ng Sara All Phils at mga caravan na naghihintay at umaasang tatakbo si Sara sa national position.
Pero hindi pa rin nila matiyak kung anong posisyon ang balak takbuhan nito.
Binanggit ni Lavina na sinabi ni Sara kay Councilor Danny Dayanghirang sa naging pag-uusap nila sa Davao na hindi ito makapagdesisyon.
“She is in a middle of a storm, she is really bothered and troubled, hindi siya makadecide,” pahayag ni Lavina.
Paliwanag niya, maraming nangyari at nagabago sa sitwasyon na maaaring makaapekto sa pagdedesisyon ni Sara.
Kung tatakbo itong pangulo, maaaring lalabas na tinatraydor nito si presidential aspirant Bongbong Marcos na pinangakuan na niya ng tulong.
“Kung tatakbo siyang president, parang lalabas, she is stabbing the back of BBM, na parang publicly known na nagkita sila sa Cebu at sinabi niya paano niya tutulungan si Bongbong,” lahad niya.
Pero kung bise president naman raw ang kanyang tatakbuhan at maaaring magalit sa kanya ang mga taong gusto siyang maging pangulo.
“On the other hand naman kung tatakbo siya ng vice president, baka magalit ang mga tao sa kanya na tumutulak lalo na ang Sara All Phils., na dapat president ang kanyang takbuhan,” aniya pa.
Hindi na rin aniya pupwede na bumalik sa pagkamayor si Sara dahil binawi n anito ang kanyang COC kaya ang pagpipilian niya sa ngayon ay ang tumakbo sa national position bilang president, bise president senador o umatras sa pagkandidato.
“Pero the die has been cast, indi na siya pwedeng bumalik sa mayor dahil nag withdraw na siya ng COC. So talagang ang choices niya ngayon ay president, vice president, o hindi natin alam baka biglang magsenator o talagang hindi nalang tumakbo dahil naguguluhan siya, “ sabi ni Lavina.
Nangyari na rin aniya ito dati sa Davao, na hindi tumakbo si Mayor Inday Sara dahil naguluhan siya.
“Nangyari din yan sa Davao, there was one time, hindi tumakbo si Mayor Inday Sara, naguluhan siya so it’s a possibility,” aniya.
Marami pa umano ang posibleng mangyari sa mga susunod na araw lalo na at apat na araw na lang o hanggang Nobyembre 15 ang pag-file ng substitution ng mga kandidato sa COMELEC.