Aklan News
SATELLITE STATION PARA SA MGA NAIS KUMUHA NG YELLOW VACCINATION CARD, BUBUKSAN SA KALIBO
Magbubukas ng satellite station sa Kalibo ang Bureau of Quarantine (BOQ) upang makapaghatid-serbisyo sa mga nais kumuha ng “yellow card” para sa international travel.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni BOQ director Dr. Roberto Salvador Jr. na maliban sa mga satellite stations sa iba’t ibang mga lugar sa NCR, magbubukas din ng mga satellite stations ang kagawaran sa Kalibo, General Santos City, Bacolod, Palawan, at Legazpi City “para mabigyan ang mga nangangailangan ng yellow card.”
Ang yellow card o International Certificate of Vaccination and Prophylaxis (ICVP) ay isang dokumento na naglalaman ng mga listahan ng mga bakunang natanggap ng isang indibidwal. Iginagawad ito ng BOQ at maaaring ipakita ng may-ari bilang requirements sa bansang kanyang pupuntahan.
“Ito po ay recognized ng lahat ng 196 WHO signatories na nagumpisa pa po mula 1935,” ani Salvador.
PARAAN NG PAG-APPLY
Hinimok ni Salvador ang mga nais kumuha ng nasabing yellow card na aag-apply sa pamamagitan ng kanilang online booking system.
“Once naka-book na pwede na pumunta sa Bureau of Quarantine kung kelan ‘yung date na napili nila para maissuehan sila ng yellow card,” ayon kay Salvador.
Sa ngayon ay maaaring kumuha ng yellow card sa main office ng BOQ na matatagpuan sa Port Area, Manila. Maaari rin silang pumunta sa mga satellite stations tulad ng SM Mall of Asia, Batangas, Subic, La Union, Laoag, Cebu, Davao, and Cagayan de Oro.
Dalhin lamang umano nila ang kanilang passport at ang vaccination certificate mula sa kanilang pinanggalingang local government unit. Ang yellow card ay nagkakahalaga ng Php 300.
MANDATORY BA ANG YELLOW CARD?
Binigyang-diin ni Salvador na ang yellow card ay hindi mandatory sa lahat ng mga international travellers kaya pinaalalahanan niya ang mga nais pumunta sa ibang bansa na alamin muna ang mga requirements ng bansang pupuntahan.
Pinayuhan din ni Salvador ang publiko na huwag nang magpa-appointment para sa yellow cards kung hindi rin lang naman gagamitin sa international travel.
“Ang kukuha muna sana ng yellow card ay ‘yung may malalapit nang flight na kailangan ng yellow card,” Salvador said.