Aklan News
SB KALIBO, SUPORTADO ANG HOUSE BILL NA NAGLALAYONG BIGYAN NG RETIREMENT BENEFITS ANG MGA ELECTED AT APPOINTED BGRY. OFFICIALS
Suportado ng Kalibo Sangguniang Bayan ng Kalibo ang naka-pending ngayon sa kongreso na House Bill na naglalayong mabigyan ng retirement benefits ang mga elected at appointed barangay officials.
Sa nasabing house bill, bibigyan ng retirement benefit ang isang barangay official kapag siya ay nagserbisyo sa loob ng siyam na sunod-sunod na taon o mayroong three terms of public service.
Ayon kay Pook barangay Captain at Liga ng Barangay President Ronald Marte, karapat-dapat din na tumanggap ng naturang benepisyo ang mga barangay officials dahil hindi lamang sila nagtatrabaho sa loob ng walong oras kundi nagtatrabaho sila 24/7.
Aniya pa ang mga opisyal ng barangay ay maituturing na haligi sa larangan ng pagbibigay serbisyo sa publiko dahil sila ang nangangasiwa sa mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan na hindi kaagad kayang tugunan ng mga opisyal sa malalaking yunit ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Marte, pagkatapos ng kanilang panunungkulan sa kanilang barangay, wala rin silang natatanggap na kahit anong insentibo o benepisyo na nagmumula sa gobyerno.
Kaya’t malaking bagay aniya para sa mga barangay officials kung sila ay may matatanggap kapag sila ay nagretiro na.
Napag-alaman na kapag naisabatas ang nasabing house bill, maaaring makakatanggap ng P100,000 na retirement pay ang isang kwalipikadong barangay chairman samantalang P80,000 ang para sa miyembro ng Sangguniang Barangay at P50,000 para sa barangay treasurer, secretary, tanod, miyembro ng Lupon ng Tagapamayapa, Health and Day Care workers.