Aklan News
SB-KALIBO SUPORTADO ANG PLANO NA GAWING ECO-TOURISM DESTINATION ANG BAHAGI NG BAYBAYIN SA BRGY. POOK


SUPORTADO ng Kalibo Sangguniang Bayan ang plano na gawing eco-tourism destination ang bahagi ng baybayin sa Brgy. Pook sa bayan ng Kalibo.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Pook Brgy. Captain at Liga ng mga Barangay President Ronald Marte sinabi nito na ang magsasagawa umano ng development project sa lugar ay ang Sacred Heart of Jesus Holding Corp na siya rin developer ng Pueblo de Panay sa Roxas City Capiz.
Ayon pa sa punong barangay, binigyan na ng Pook Barangay Council ang nasabing developer ng Resolution of No Objection.
Aniya, ang nasabing developer ang nakabili umano mahigit 9.1 hectares na lupa kung saan sakop nito ang bahagi ng baybayin na kanilang ide-develop.
Pahayag pa ni Marte na isa itong magandang hakbang ito para sa kanilang barangay lalo na sa bayan ng Kalibo dahil isa itong malaking opurtunidad para sa Kalibonhon na magkaroon ng trabaho gayundin sa mga maliliit na negosyante.
Saad pa nito na hindi kaagad nabigyan ng positibong aksyon ang hinihiling ng developer dahil hindi pa umano ito dumaan sa Municipal Development Council na siyang gumagawa ng plano at programa ng lokal na pamahalaan.
Samantala sa ngayon ay nakatakda nang i-endorso ng Sangguniang Bayan ang nasabing proposisyon sa Municipal Development Council upang mapag-usapan at maging bahagi ng binubuong development plan ng lokal na pamahalaan ng Kalibo.
Sakaling matuloy ang nasabing proyekto, ito ay magiging alternatibong tourist destination maliban sa Kalibo Ati-atihan Festival na isang beses lamang sa isang taon ginaganap at ang Bakhawan Eco-Park na simpleng pasyalan lamang.