Connect with us

Aklan News

SB MEMBER MATT GUZMAN, NILINAW ANG ISYU TUNGKOL SA FARE ADJUSTMENT NG TRAYSIKEL SA KALIBO

Published

on

PASAHE SA TRAYSIKEL SA KALIBO WALANG ADJUSTMENT KAHIT NASA NEW NORMAL NA

NILINAW ni Sangguniang bayan member Matt Aaron Guzman ang isyu tungkol sa fare adjustment ng mga pumapasadang traysikel sa bayan ng Kalibo.

Sa panayam ng Radyo Todo kay SB member Guzman, chairman ng Committee on Transportation ng Kalibo Sangguniang Bayan, ipinaliwanag nito na ipinatawag niya ang mga TODA president upang pag-usapan ang nasabing usapin.

Sa katunayan aniya, walang katotohanan ang mga lumalabas na balita na siya ang may ayaw na magbawas ng pamasahe ang mga traysikel.

Pagdidiin ni Guzman na kaya siya nagpatawag ng meeting ay upang hilingin sa mga presidente ng TODA na kung maaari ay magbawas sila ng limang piso sa kanilang kasalukuyang pasahe.

Totoo din aniya na wala ang ibang sektor sa kanilang meeting dahil ang mga TODA president pa lamang ang kaniyang inimbitahan para sa emergency meeting upang marinig muna ang hinaing ng mga drayber nang sa gayo’y maintindihan niya ang mga ito at makapag-isip ng magandang solusyon na makabubuti para sa mga drivers at commuters.

Binigyan-diin ni Guzman na hindi niya kontrolado ang mga nangyayari lalo na ngayong apaektado rin tayo ng krisis na nangyayari sa Europa kaya’t pinag-aaralan niyang mabuti kung paano matutulungan ang lahat hindi lamang ang mga drayber kundi pati na rin ang mga pasahero.

Ipinaunawa rin ng konsehal sa mga traysikel draybers at operators na kasama sa mga pasaherong humihiling ng tapyas pasahe ang kanilang mga pamilya dahil hindi aniya sa lahat ng pagkakataon ay sa kanila sumasakay ang kanilang asawa, anak o pamilya.

Samantala, kakalabas lamang aniya ng bagong taripa sa mga traysikel na pumapasada sa Kalibo bago isinailalim sa alert level 1 status ang lalawigan ng Aklan.