Aklan News
Senior citizen, inireklamo ang ahente dahil sa hindi pag-remit ng interes sa isinanglang lupa; interes umabot sa mahigit ₱500,000


Inireklamo ng isang 70-anyos na lalaki mula sa Malay, Aklan ang kanyang ahente matapos umano nitong hindi i-remit ang bayad sa interes ng isinanglang lupa, na ngayon ay umabot na sa ₱588,000.
Kinilala ang inireklamo na si Lani Santos, 59-anyos, residente ng Barangay Tagas, Tangalan, Aklan.
Ayon sa salaysay ng biktima, nagkasundo umano sila ni Santos na hati sila sa pagbabayad ng 5% interes ng lupa na isinangla sa halagang ₱300,000.
Nakapangalan ang 1.5 ektaryang lupa sa biktima, na isinangla sa isang babae mula sa Barangay Cawayan, New Washington, Aklan.
Bagama’t tanging ang biktima ang lumagda sa kasulatan ng pagsasangla, may hiwalay umanong kasulatan si Santos na nagsasaad na kalahati ng interes ay kanyang pananagutan.
Mula Oktubre 2023 hanggang Mayo 2025, si Santos ang tumanggap ng mga bayad para sa interes at may hawak ang biktima ng mga resibo bilang patunay.
Pero noong Hunyo 1, 2025, personal na nagtungo sa bahay ng biktima ang pinagprendahan ng lupa at nag-abot ng demand letter para sa hindi nabayarang interes na halos ₱600,000.
Dito nalaman ng biktima na hindi pala naipasa ni Santos ang mga bayad na kanyang natanggap.
Nasa korte na ang insidente at inaasahang isasampa bilang kasong sibil. | Ulat ni Jisrel Nervar