Aklan News
Service firearm ng isang pulis, tinangay ng kawatan
Tinangay ng kawatan ang service firearm ng isang pulis matapos nitong pasukin ang bahay nito sa Bakhaw Sur, Kalibo nitong madaling araw ng Miyerkules.
Sa reklamo ni Patrolman Rojie Riel Salazar, 27, nakatalaga sa 1st Aklan Provincial Mobile Force Company, iniwan niya ang kanyang sling bag at service firearm sa loob ng kanyang kwarto at saka dumiretso sa ikalawang palapag ng kanilang bahay para magpahinga.
Pero nadiskubre niya pagbalik ng kwarto na nawawala na ang kanyang bag na may lamang baril.
Agad niya itong hinanap at nakita ang isang lalaking nakatayo sa labas ng kanilang bahay na nakasando ng puti, itim na shorts, tsinelas, at may taas na 5’4.
Tinanong pa nito ang biktima kung saan pwedeng umihi.
Pero sinabi ng biktima na hindi pwedeng umihi sa lugar.
Akmang aalis na sana ang lalaki nang mapansin ng pulis na hawak nito ang kanyang sling bag.
Hinabol niya ito hanggang sa naagaw niya ang bag, pero wala na ang laman nitong baril.
Sinubukan niyang agawin ang baril sa suspek pero tinutukan siya nito at mabilis na nakatakas.
Minabuti na lang ni Patrolman Salazar na tumawag sa mga kapulisan para maimbestigahan at matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek na tumangay sa kanyang baril.