Connect with us

Aklan News

SHARES SA SAND AND GRAVEL OPS NG LGU-KALIBO HINDI PA RIN IBINIBIGAY NG PROVINCIAL GOVERNMENT

Published

on

Photo Courtesy| www.shellyco.com

Hindi pa rin ibinibigay ng gobyerno-probinsiyal ng Aklan ang shares ng Local Government Unit ng bayan ng Kalibo mula sa sand and gravel operation sa probinsiya.

Ayon kay Engr. Marlo Villanueva, Municipal Planning and Development Coordinator ng Kalibo nagpadala na umano sila ng sulat sa Provincial Treasurer hinggil dito ngunit hinahanapan sila ng Delivery Receipt.

Ito ay dahil base umano sa ordinansa ng probinsiya na kinakailangan ang delivery receipt upang maibigay ang shares ng mga barangay at munisipyo.

Subalit ayon kay Engr. Villanueva nararapat lamang na ang shares ng bawat barangay o munisipyo ay maibigay kaagad.

Sakaling mangyari na kailangan pa ang delivery receipt ay maaari umanong kaunti na lamang ang shares na matatanggap ng munisipyo dahil ang nasabing resibo ay hindi pa kumpleto.

Dagdag pa ni Villanueva na nakakalungkot kung hindi kaagad matatanggap ng mga barangay at munisipyo ang nasabing shares dahil inaasahan rin nilang kita ito.

Parang hindi naman aniya tama na nakakolekta ng buo ang provincial government samantalang silang nasa mababang lebel ay wala pa rin natatanggap.

Pagdidiin pa nito na nakasaad sa Republic Act 7160 ng Local Government Code 1991 na obligasyon ng probinsiya na ibigay ang shares sa koleksyon sa mga sand and gravel quarry operation sa barangay at munisipyong sakop nito.

Nakasaad din sa batas na 30% ang mapupunta sa munisipyo, 40% sa barangay at 30% naman ang sa provincial government mula sa kabuuang nakolektang kita sa sand and gravel quarry operation.

Ang provincial treasurer ang nangongolekta ng bayad sa pangkalahatan mula sa mga quarry holder sa buong probinsiya ng Aklan.