Aklan News
SIYAM NA KALALAKIHAN, NADAKIP DAHIL SA ILEGAL NA PANGINGISDA
Siyam na kalalakihan ang nadakip kahapon at ngayong umaga dahil umano sa ilegal na pangingisda sa karagatang sakop ng munisipalidad ng Batan.
Nakilala ang mga nadakip mag-aalas 5:00 kahapon ng hapon na sina Jonel Calubia, 37 anyos; Arnold De Andres, 37 anyos; Rodel Baula, 37 anyos; Joshua Bigas, 20 anyos, at Nelvil Carmen, 18 anyos, habang nakilala naman ang ikalawang grupong nadakip nitong umaga na sina Julito Loyola, 48 anyos; Rolan De Guzman, 35 anyos; Mario Albaña, 35 anyos, at Sonny Boy Briol, 26 anyos, lahat residente ng Libas, Roxas, City.
Ayon kay PLt.Gelbert Batiles, Deputy Chief ng Batan PNP, kaagad umano silang nagsagawa ng anti-illegal fishing operation matapos matanggap ang reklamo at sumbong mula sa mga mangingisda sa Batan partikular ang mga taga Barangay Napti, Songcolan, Mambuquiao, Mandong na nagresulta sa pagkakadip sa mga nasabing grupo.
Narekober din ang kanilang mga bangka at mga isdang huli, kasama ang kanilang mga gamit sa pangingisda. Pansamantala silang ikinostodiya sa Batan PNP, habang ipinagkatiwala naman sa Batan Agriculture’s Office ang disposisyon sa kanilang paglabag partikular ang sa Municipal Ordinance No 2006-03, Section 3 (Illegal Fishing).