Aklan News
SK Kagawad, patay sa pananaksak sa mismong araw ng Pasko


Idineklarang dead on arrival ang isang SK Kagawad sa Brgy. Tigayon Kalibo makaraang masaksak sa mismong araw ng Pasko.
Kinilala ang biktimang si Michael Meren Tejano, 25-anyos alyas “Edong” habang ang suspek ay kinilala namang si Ervin John Eulogio, 18-anyos kapwa mga taga Tigayon.
Batay sa imbestigasyon ng Kalibo PNP, pumunta ang biktima at ang kasama nitong si Zion Von Aeron Diangson sa bahay ng suspek kung saan may nangyaring komosyon hanggang sa nasaksak ng suspek ang biktima sa kanyang kaliwang baywang.
Isinugod pa sa ospital ang biktima pero idineklara itong dead on arrival.
Samantala, sumuko naman ang suspek sa mga otoridad matapos ang insidente.
Narekober rin ang kitchen knife na may habang 13.5 inches na ginamit sa pagpatay sa biktima.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Brgy. Captain Gil Morandante sa pamilya ng biktima na isang SK Kagawad at aktibong siklista.
Batay naman sa ina ng biktima, kakagaling lang nila sa Buruangga nang bumungad sa kanya ang balita tungkol sa kanyang anak.
Hustisya naman ang panawagan niya sa pagkamatay ng kanyang anak.