Aklan News
SOCIAL PENSION BENEFIT NG MGA SENIOR CITIZEN QUARTERLY NA NILANG MATATANGGAP SA HALIP NA KADA-ANIM NA BUWAN
Ibinalik sa quarterly o kada tatlong buwan ang pag-release ng social pension benefit ng mga senior citizen mula sa Department Of Social Work And Development o (DSWD).
Ito ay batay sa ipinalabas na Memorandum Circular No. 16 Series of 2021 na ina-amyendahan ang Memorandum Circular No. 4 Series of 2019 o ang Omnibus Guidelines in the Implementation of the Social Pension for the Senior Citizens.
Ito ang tugon ng DSWD Regional Director Ma. Evelyn Macapobre sa resolusyon ni Kalibo Sangguniang Bayan Member Augusto “Gus” Tolentino na umaapela sa kanila para sa agarang pag-release ng social pension benefits ng mga senior citizen.
Magugunitang nagpasa ang House Committee on Senior Citizens ng House Resolution No. 1047 na hinihiling sa DSWD na gawing kada tatlong buwan ang pagbibigay ng social pension mula sa dating kada semestral o kada-anim na buwan dahil masyado umanong mahaba ito para sa mga indigent senior citizen na nangangailangan ng tulong-pinansiyal lalo na sa panahon ng pandemya.
Makakatanggap ang bawat social pension beneficiaries’ ng tig-P500 pesos kada buwan na ibibigay sa kanila quarterly.
Samantala, maliban sa agarang pag-release ng social pension, nauna ng isinulong ng Kalibo Sangguniang Bayan sa pangunguna ni SB member Tolentino ang resolusyon na naglalayong payagan ang mga senior citizen sa bayan ng Kalibo na magkaroon ng representative na hahalili sa kanila sa pagtanggap ng kanilang social pension.
Ito’y bilang pagsuporta sa ipinalabas na memorandum ng DSWD na nakikiusap sa mga senior citizens at persons with disability(PWDs) na magpadala na lamang ng mga kinatawan sa halip na personal na i-claim ang kanilang tulong pinansyal mula sa gobyerno.
Natanggap na ng 5,660 social pension beneficiaries sa bayan ng Kalibo ang kanilang social pension para sa huling quarter ng taong kasalukuyan.