Aklan News
Solid waste management, beach cleaners kinalampag ni Mayor Bautista vs maruming baybayin ng Boracay
KINALAMPAG ni Malay Mayor Frolibar Bautista ang mga taga-Solid Waste Management at mga beach cleaners dahil sa umano’y maruming baybayin ng Boracay Island.
Ito ang binigyan-diin ng alkalde sa kanyang mensahe sa isinagawang flag raising ceremony ng LGU Malay nitong Lunes, Enero 8.
Banta pa ni Bautista, hindi niya ire-renew ang appointment ng mga ito kapag hindi nila ginawa ng maayos ang kanilang trabaho.
Aniya pa, hindi na pwede sa ngayon ang ‘pwede na’ at ‘luluwag-luwag’ lamang dahil kailangang maipakita sa buong mundo kung ano talaga ang Boracay.
“Im calling the solid waste management, tingnan yung baybayin oh, andaming dumi. So Im calling the beach cleaners na ayusin na, ayusin niyo na ang trabaho ninyo or else i will not renew your appointment. So hindi pwede ngayon yung pwede na yan. Hindi pwede. We have to show to the world, ito talaga ang Boracay,” wika nito.
“Dalawa lang gawin natin, maintain peace and order and make Boracay clean. ‘yun lang!,” dagdag pa nito.
“Disiplina na ang kailangan ngayon sa Boracay. Ipakita natin sa turista natin na iba talaga ang Boracay,” pagtutuloy ng alkalde.
Sinabi pa ni Mayor Bautista na iba’t-ibang klase na ang mga bisita na dumarating ngayon sa Boracay.
Dahil dito ay inaasahan niyang muling malalagpasan ng Boracay ang target nitong 2.3 million tourist arrivals ngayong taon.