Aklan News
SP Camsur, hindi na babawiin ang pagdeklarang ‘Persona Non Grata’ kay Vice-Gov. Quimpo at miyembro ng SP Aklan


WALANG BALAK ang Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Sur na bawiin ang pagdeklarang ‘Persona Non Grata’ kay Vice-Governor Reynaldo Quimpo at mga miyembro ng Aklan Sangguniang Panlalawigan sa kanilang lugar.
Sa ekslusibong panayam ng Radyo Todo kay CamSur 2nd district Representative Luis Raymund Villafuerte Jr., inihayag nito na hindi na magbabago pa ang desisyon ng SP Camsur.
Binigyan-diin nito na kapag sila ang nagdesisyon ay wala nang atrasan.
Aniya pa, bago kasi sila gumawa ng hakbang ay makasampung-beses muna nila itong pinag-iisipan.
Hindi rin aniya sila pabigla-bigla kagaya ng ginawa ng SP Aklan sa kanilang hakbang.
Kung kaya’t hindi na nila i-aatras pa ang kanilang naunang deklarasyon na persona non grata laban sa kay VG Quimpo at mga miyembro ng Aklan Sangguniang Panlalawigan.
Dagdag pa ng kongresista, nakakahiya naman umano na sa una ay napakatapang nila at bigla na lamang aatras.
“Sa palagay ko hindi na magbabago yun eh. Kasi kami, ‘pag nagdesisyon kami walang atrasan. Alam mo, bago kami gumawa ng hakbang, sampung beses namin iisipin kung tama ba ito o mali. Hindi kami pabigla-bigla. Kagaya nila atras-abante. Kami nagdeclare , hindi na namin po i-aatras yan. Hindi na nila, iaatras yan. Kasi nakakahiya naman, ang tapang mo, biglang aatras ka. Nakakahiya po ‘yon,” pahayag ni Villafuerte.
Samantala, wala nang plano ang kongresista na i-refile pa ang nasabing panukalang batas dahil mayroon umano siyang isang salita.