Aklan News
SP MEMBER NERON PINABULAANANG MAYROON SIYANG BUSINESS INTEREST SA MGA QUARRY OPS SA BAYAN NG BANGA
Mariing pinabulaan ni Aklan Sangguniang Panlalawigan member Nemesio Neron na mayroon siyang business interest sa mga quarry operation sa bayan ng Banga.
Ayon kay Neron kung may mga hauling business na inuugnay ang kanyang pangalan, ito ay hindi niya raw personal na pagmamay-ari, kundi ito ay sa kanyang tatlong anak sa pangunguna ni Engr. Biboy Neron.
Giit pa nito na pagdating sa ganitong trabaho ay nasisiguro niyang maingat ang kanyang anak na si Engr. Neron dahil iniisip nito ang kaligtasan ng mga motorista pagdating sa kalsada.
Dagdag pa nito na responsible road user ang kanyang anak dahil mayroon umano itong tagasunod at tagalinis sa mga nalalaglag na bato o buhangin mula sa kanilang dump truck.
Paglilinaw ni Neron na wala siyang nagawang bayolasyon gayundin ang kanyang anak dahil nasisiguro niyang hindi ito nagkakarga ng lagpas sa limitasyon.
Binigyan-diin din nito na may kaukulang permit ang hauling business ni Engr. Neron at ito ay isang lisensiyadong inhinyero at contractor.
Ipinahayag din ni SP Member Neron na may mga pagkakatoon din aniyang ipinapagamit ng kanyang anak ang lisensiya nito ngunit ito’y sa ilalim pa rin ng kanyang mahigpit na superbisyon.
Ang hauling business ng pamilya Neron ay mayroong apat na 10-wheeler truck na nag-ooperate sa probinsiya ng Aklan.
Wala rin aniyang nilabag na ordinansa ang kanilang negosyo dahil ang sinasabing kalsada mula Banga papuntang Libacao ay sakop ng provincial road at hindi municipal road.