Aklan News
SP Neron, inamin na may information na sila at si VG Boy Quimpo na may withdrawal na sa BIDA 2 bago pa man sila magdeklara ng Persona Non Grata sa mga kongresista
Ibinunyag ni Sangguniang Panlalawigan member Nemesio Neron na mayroon na silang ideya tungkol sa withdrawal ng BIDA Bill 2 bago paman nila ipasa ang SP Resolution na nagdedeklarang persona non grata laban sa apat na kongresista sa Bicol na may akda ng panukala.
Sa panayam ng Radyo Todo, inamin ni SP Neron na nagkita sila ni Congressman Carlito Marquez Sabado, Agosto 6 at sinabi nya dito na naka calendar sa kanilang session ang pagdeklarang persona non grata sa 4 na mga may akda ng BIDA Bill 2.
Ipinaabot diumano ni Marquez sa kanya na nakapag-usap na sila ni Cong. Lray Villafuerte kasama si Cong. Teodorico Haresco tungkol sa pagbawi ng Boracay Island Development Authority (BIDA) Bill 2.
Nagsabi naman umano si Cong. Marquez na pag-usapan muna nila ng kanyang mga kasamahan sa Sangguniang Panlalawigan ang tungkol sa pinaplanong pagpasa ng resolution declaring persona non grata.
Pagdating ng Lunes, araw ng session, ipinaabot naman raw niya sa kanyang mga kasamahan sa SP at kay Vice Governor Reynaldo Quimpo ang tungkol sa napag-usapan nila ni Congressman Marquez at sinabi nito na kung babawiin nila ang BIDA Bill2 ay i-wiwithdraw rin nila ang resolusyon.
“Ro hambae ni Atty. Boy Quimpo, hay kung i-withdraw mana nanda, hay i-withdraw man naton,” saad raw nito.
Kasunod nito, tuluyang naipasa ang unanimously approved SP Resolution na nagdedeklarang persona non grata sa apat na kongresista ng Bicol noong hapon ng Agosto 8.
Agusto 9 ay agad nilang binawi ang resolusyon matapos makatanggap ng komunikasyon mula kay Cong. Haresco na August 3 pa lang ay inatras na ng apat na mambabatas ang pagsulong ng BIDA Bill 2 at natanggap na ito ng House Committee on Rules noong August 8.