Aklan News
SP NERON PINABULAANANG WALA SIYANG GINAWANG AKSYON SA SITWASYON NG PROV. ROAD SA BAHAGI NG BRGY. BACAN AT TABA-AO SA BAYAN NG BANGA


Pinabulaanan ni Aklan Sangguniang Panlalawigan Nemesio Neron na wala siyang ginawang aksyon kaugnay sa sitwasyon ng provincial road sa bahagi ng Barangay Bacan hanggang sa barangay Taba-ao sa bayan ng Banga.
Ito ang pahayag ni Board Member Neron kasunod ng mga kontrobersiya na wala umano siyang ginawa kahit na araw-araw naman siyang dumadaan dito.
Naging kontrobersiya ang naturang usapin matapos ang aksidenteng nangyari sa ginagawang kalsada sa lugar na ikinamatay ng isang police officer nitong Nobyembre 18.
Sa katunayaan aniya’y personal niyang tinawagan si Engr. Edelzon Magalit, Provincial Engineer ng Provincial Engineering Office o PEO Aklan upang ipagbigay-alam ang hinggil sa sitwasyon ng naturang kalsada bago pa nangyari ang nasabing aksidente dahil sila ang may direktang mandato dito.
Aminado rin si Neron na may kakulangan ang contractor pagdating sa mga early warning devices sa ginagawang kalsada. Sinang-ayunan rin nito na ang contractor ng nasabing proyekto ay may responsibilidad at pananagutan sa nangyari.
Ngunit nilinaw nito na wala siyang direktang mandato at ugnayan sa contractor nito kaya hindi aniya puwedeng ituro sa kanya ang kakulangan nila.
Samantala, naiintidahan aniya ng opisyal kung bakit walang agarang aksyon si Engr. Magalit matapos niyang ipagbigay-alam ang ukol dito dahil tao lamang tayo at posibleng maraming proyektong ginagawa sa ngayon ang PEO-Aklan.
Sa kabilang banda, ipinahayag ni SP member Neron na mayroong Road Safety Ordinance ang probinsiya ng Aklan subalit ang implementasyon nito’y sa susunod pang taon dahil tinatalakay pa nila sa Sangguniang Panlalawigan ang budget.