Connect with us

Aklan News

STALL OWNERS AT VENDORS SA KALIBO PUBLIC MARKET HANGAD NA MATULOY NA ANG PAGBILI NG LOTE PARA SA KANILANG RELOCATION SITE

Published

on

Hanggad ng Kalibo Public Market United Stall Owners and Vendors Association (KPMUSVA) na matuloy na ang pagbili ng relocation site para sa kanila upang masimulan na ang pagpapagawa ng Kalibo public market.

Ayon kay Danilo Lopez, President ng Kalibo Public Market Stall Assosiation, iaapela nila kay Mayor Emerson Lachica na matuloy na ang pagbili ng nasabing lupa sa barangay Andagao, Kalibo upang may maayos silang malilipatan habang ginagawa pa bagong Kalibo Public Market.

Lubos din aniya silang natutuwa at nagpapasalamat sa ipinadalang opinion letter ng Department of Interior and Local Government (DILG) Region 6.

Ang nasabing legal opinion ay tugon ng DILG sa ipinadalang inquiry ni Kalibo Sangguniang Bayan member Augusto Tolentino hinggil sa pag dis-apruba at pagdeklarang inoperative ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan sa isang item sa ordinansa ng Sangguniang Bayan na layuning pagbili ng lote upang maging relocation site ng mga vendors at stall owners ng Kalibo Public Market habang ginagawa ang modernong merkado publiko.

Ngunit nakasaad sa nasabing legal opinion ng DILG na ang Sangguniang Panlalawigan ay walang poder o kontrol na makisawsaw sa mga affairs ng lokal na sanggunian gayundin na hindi nito maaring pilitin ang Sangguniang Bayan na magsumite ng iba pang dokumento sa isang aprubadong ordinansa.

Samantala, nagbigay naman ng komento si Lopez sa mga tanong kung bakit na sa barangay Andagao ilalagay ang relocation site at hindi puwede sa ibang lugar.

Aniya, ang kasalukuyang public market ay nasa barangay Andagao kaya nararapat lamang na sa bisinidad rin ng Kalibo ang kanilang relocation site.

Dagdag pa nito, marami na sa ngayon ang mga naglitawang mga talipapa kaya’t kung magiging malayo na ang kanilang kinalalagyan ay paniguradong wala nang may bibili pa sa kanila.

Kaugnay nito, plano ng kanilang asosasyon na magtungo sa Sangguniang Bayan upang mabigyang katuparan ang kanilang hiling.