Aklan News
STREET LIGHTS PARA SA 15 BARANGAY SA BAYAN NG KALIBO, NATANGGAP NA NG MGA BENEPISYARYO
NATANGGAP na ng 13 sa 15 barangay sa bayan ng Kalibo ang iba’t-ibang mga materyales para sa barangay street light project ng lokal na pamahalaan.
Ang nasabing mga materyales ay kinabibilangan ng LED bulb, electrical tapes, wirings, rubberized receptacles, goose neck with complete accessories at circuit breaker.
Samantala, ang pondo sa nasabing mga materyales ay nagmula naman sa Calendar Year 2021 Special Fund ni Sangguniang Bayan member Augusto Tolentino.
Layunin naman ng nasabing proyekto na mapailawan ang madilim pang bahagi ng mga barangay sa buong bayan ng Kalibo upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada at mabawasan ang mga insidente ng nakawan at iba pang krimen.
Sa panayam kay SB member Tolentino, ang mga Punong Barangay mismo ang siyang pumili kung anong klaseng proyekto ang nais nilang pondohan mula sa nasabing special fund batay na rin sa kanilang isinumiteng project proposal.
Hindi naman kasama ang Barangay Pook sa mga benepisyaryo dahil may sarili din aniyang special fund si Punong Barangay Ronald Marte bilang Liga ng mga Barangay President ng Kalibo at Ex-Officio member ng Kalibo Sangguniang Bayan.