Aklan News
SURCHARGES, INTEREST AT PENALTIES SA RPT, NAIS IPATANGGAL NI GOV. MIRAFLORES
Magsasagawa ang Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ng committee hearing kaugnay sa urgent request ni Gov. Florencio Miraflores na magpasa ng isang ordinansa na naglalayon ng huwag nang singilin ng penalty at interest sa pagbabayad ng real property taxes na hindi nabayaran sa tamang oras.
Sa pahayag ni Board Member Soviet Russia Dela Cruz, miyembro ng Committee on Appropriation, Finance at Ways and Means sinabi nito na hindi kaagad inaksyunan ng Sanguniang Panlalawigan ang nasabing hiling ng gobernador at ipinasa muna nila sa Committee on Appropriations.
Aniya, nais muna nilang magsagawa ng committee hearing para dito kasama ang provincial treasurer, accountant, at ang budget department para sa eksplinasyon.
Ito ay upang malaman nila kung ano ang dahilan kung bakit hindi na kailangang singilin na penalty ang mga hindi nagbayad sa tamang panahon ng RPT.
Layunin din ng isasagawang committee hearing na maging balanse ito para sa gobyerno, negosyante, mga real property owners at mga mamamayang Aklanon.
Paglilinaw ni SP member Dela Cruz na sinisingil pa rin nila ang interest, penalties at surcharges sa RPT dahil kailangan ito para sa Special Education Funds.
Pinangangambahan rin umano nilang bumaba ang shares na mapupunta sa Special Education Funds sakaling bumaba ang koleksyon ng RPT.
Ang koleksyon sa RPT ay hahatiin naman sa tatlong parte at ang malaking bahagi ng nakolekta nito ay napupunta SEF o Special Education Funds.