Aklan News
TATLONG INSIDENTE NG PAMBABATO NG SASAKYAN, NAITALA SA KALIBO PNP STATION
Tatlong insidente ng pambabato ng sasakyan ang naitala sa Kalibo PNP Station.
Base sa police report, unang nagpablotter bandang alas 10:45 ang driver ng pampasaherong van na si Ruel Nacnac, 41 anyos ng Sitio Naga, Poblacion, New Washington.
Base sa kanyang reklamo, galing umano siya sa Jaime Cardinal Sin Avenue papuntang New Washington nang bigla na lamang umanong hinampas ng kung anong matigas na bagay ng nakaangkas sa motorsiklong lalaki ang minamaneho niyang van.
Dahil dito, nagkaroon ng yupi ang kaliwang pintuan ng nasabing sasakyan.
Sunod namang nagpablotter bandang alas 10:55 ang driver din ng pampasaherong van na si Rowel Hamongaya Malacas, 45 anyos ng Pook, Kalibo.
Base sa kanyang reklamo, papunta rin umano siya ng New Washington nang hinampas ng matigas na bagay ng kasalubong niyang suspek na nakaangkas sa motorsiklo ang minamaneho niyang van na nagdulot ng gasgas sa harapang fender nito.
Samantala, mag-aalas 5:00 na kaninang umaga nang magsumbong din sa presinto ng pulis si Mary Repedro Tortuya, 35 anyos ng Poblacion, New Washington matapos din umanong binato ng matigas na bagay ang minamaneho nitong sasakyan habang binabaybay ang national highway ng Barangay Caano, Kalibo.
Samantala, nirespondehan ng mga pulis ang mga insidente, subali’t hindi na natukoy pa ang mga suspek.
Tinututukan pa ng Kalibo PNP kung iisang grupo lamang ang may kagagawan sa mga nasabing insidente.