Aklan News
Tindahan sa Andagao ninakawan, suspek ipinamigay ang mga groceries na tinangay
Halos hindi makausap ng maayos dahil sa kalasingan ang lalaking inaresto ng mga otoridad matapos nitong pasukin ng dalawang beses ang isang tindahan sa Sitio Baybay, Brgy. Andagao, Kalibo.
Kinilala ang suspek na si Laurel Cervantes alyas Jimboy, 35-anyos na residente rin ng naturang barangay.
Batay sa kwento ng may-ari, una umanong nilooban ang kaniyang tindahan kahapon,October 1 ng madaling araw kung saan nakuha rito ang 1 ream ng sigarilyo at ilang bote ng beer na umano’y malalamig pa.
Samantala sa kasunod na araw,October 2, napansing muli ng may-ari na marami naring bawas ang kanilang mga de lata, sabon, kape, asukal, iba pang groceries at maging ang mga shavers ay wala na rin.
Doon na ito nagdesisyong magreport sa mga kapulisan ngunit hindi pa man nakakapunta sa himpilan ay may isang residente umano ng kapareho ring lugar ang nakapagsabi sa kaniya na maraming mga groceries at maging ang shavers ay ipinamigay ni Cervantes.
Agad tinungo ng mga kapulisan ng kinaroroonan ng suspek at doon ito naabutang nakikipag-inuman.
Aniya, wala siyang nagawang krimen ngunit kalauna’y inamin rin nito na nagawa niya ang pagnanakaw dahil naawa umano ito sa mga mahihirap kaya’t ipinamigay rin nito ang mga groceries na kaniyang nakuha.
Samantala, ang mga sigarilyo at inumin naman ay para naman umano sa kaniyang bisyo. Sa ngayon ay nasa kustodiya na ito ng Kalibo Pnp para sa karampatang disposisyon.