Aklan News
Tourist arrival sa Boracay nananatiling normal sa kabila ng travel ban sa China
Kalibo, Aklan – Sa kabila ng pagbawas ng mga turista mula sa China bunsod ng travel ban, nananatili pa ring normal ang bilang ng mga tourist arrivals sa sikat na isla ng Boracay.
Sa eksklusibong panayam ng Radyo Todo kay Malay Tourism Officer Felix Delos Santos, sinabi nito na hindi pa gaanong nararamdaman sa ngayon ang epekto ng travelling ban.
Sa katunayan ani Delos Santos ay mayroong average na 4000 hanggang 5000 na mga tourist arrivals kada araw ngayon sa isla.
Bago umano nagdesisyon ang gobyerno na magpatupad ng travel ban ay umaabot ng 1000 Chinese ang dumarating sa isla kada araw.
Gayunpaman, natabunan umano ng mga foreign tourist mula sa mga malalamig na bansa gaya ng Russia, Europe at iba pa nabawasang bilang ng mga Chinese tourist.
Ang mga Chinese ang nagdomina ng 25% ng mga dayuhang bumisita sa isla nitong nakaraang taon kaya marami ang nangangamba sa magiging epekto ng travel ban sa ekonomiya.
Una nang naiulat na marami nang Chinese restaurants sa Boracay ang nagsara dahil wala naman halos turista mula sa naturang bansa dahil sa ban na bunga ng nCoV scare.