Aklan News
TRAYSIKEL DRIVER, ARESTADO DAHIL SA ILEGAL NA PAGTRANSPORT NG KRUDO
Arestado alas 3:30 kaninang hapon sa Unidos, Nabas ang isang traysikel driver dahil umano sa pagtransport o pagdadala ng 11 container ng krudo na walang permit.
Kinilala ng Nabas PNP ang driver ng pampasaherong traysikel na si Rio Salibio, 46 anyos ng Union, Nabas.
Ayon sa Nabas PNP, nagpapatrolya umano sila noon nang mapansin ang kargang mga container ng naabutang traysikel na papuntang Caticlan.
Kanila umano itong pinara at tinanong kung ano ang laman ng mga container, kung saan sinabi din umano ng driver na krudo ang kanyang dala, kung kaya’t hinanapan nila ito ng permit, subali’t wala umano itong maipakita.
Dahil dito, kaagad siyang dinala sa presento ng Nabas PNP kasama ang nakumpiskang mga container ng krudo para sa karampatang disposisyon.
Nakatakda naman itong sampahan ng kasong paglabag sa Section 2 paragraph A ng PD 1865 o Illegal Transport of Petroleum Products sa araw ng Lunes.
Samantala, ayon pa sa Nabas PNP, sa Toledo pa umano binili ni Salibio ang mga krudo dahil mas mura umano ito doon at dadalhin sana sa Caticlan.