Connect with us

Aklan News

Traysikel driver, nagturn-over sa istasyon ng Radyo Todo ng bag na naglalaman ng halos kalahating milyon

Published

on

Hindi nagdalawang isip ang traysikel driver na si MICHAEL MANARES, 45 anyos ng Linabuan Norte na ibalik ang isang bag na naglalaman ng halos kalahating milyon na naiwan sa kanyang traysikel ngayong umaga.

Salaysay ni Manares, galing siya sa ice plant para bumili ng yelo at pauwi na nang madiskubre ang itim na bag na nahulog sa kanyang traysikel.

Inihatid niya muna sa kanila ang biniling yelo bago binuksan ang bag para malaman kung ano ang laman at sino ang may-ari para na rin maibalik ito.

Laking gulat na lang umano nila nang makita ang napakaraming pera na laman ng bag.

Kaya agad siyang dumiretso sa istasyon ng Radyo Todo para maipanawagan at maibalik ang pera.

Matagumpay naman na naibalik sa may ari na si Joefil Briones ang perang may kabuuang 454,112 matapos nitong marinig sa radyo ang balita.

Lubos din ang pasasalamat nito kay Manares dahil sa pagiging tapat nito.

Ayon naman kay Manares, naniniwala siyang hindi dapat na pag-interesan ang perang pinaghirapan ng iba.

Kamakailan lang, aniya ay ibinalik rin niya ang P3000 na pera ng isang estudyante na nakaiwan ng wallet sa kanyang traysikel.