Aklan News
Tulong-pinansyal, karapatan ng mga solo parents nais isabatas sa Roxas City
Isinusulong ngayon sa Roxas City Council ang pagbibigay benipisyo at pangangalaga sa karapatan ng mga solo parents sa lungsod.
Tatawagin ang ordinansa na “Roxas City Solo Parents and Their Children Ordinance” na inakdaan ni Konsehal Midelo Ocampo.
Kabilang sa mga probisyon ng panukalang ordinansa ay ang pagbibigay sa kanila ng medical at dental assistance, burial assistance, at housing benefits.
Nakapaloob rin dito ang pagbibigay ng mga training pangkabuhayan, pagbabawal sa diskriminasyon sa kanila sa trabaho, at parental leave.
Ang pagbibigay ng tulong sa mga solo parent ay ibabatay sa Section 4 ng Republic Act No. 8972.
Batay sa panukala kabilang sa mga solo parent ay mga naging ina resulta ng rape, byuda; nakakulong o may kapansanan ang asawa; iniwan o hiwalay sa asawa.
Layon din ng panukalang batas ang pagbuo ng Solo Parent Affairs Office sa ilalaim ng City Social Welfare and Development Office.
Ang nasabing panukala ay nasa ikalawang pagbasa na ng Sangguniang Panglungsod.