Aklan News
TULOY O HINDI: Kapalaran ng P8-billion Boracay bridge, sa Hulyo pa malalaman – DPWH


MALALAMAN pa sa buwan ng Hulyo kung ano ang desisyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa magiging kapalaran ng P7.95-bilyong panukalang Boracay bridge na mariing tinututulan ng mga Aklanon.
Patuloy sa ngayon ang pakikipag-ugnayan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Aklan Provincial Government sa pagkuha ng approval para sa development Boracay Bridge Project ng San Miguel Corp. (SMC).
Ayon kay Public Works Secretary Manuel Bonoan ang proyekto ay kailangang pahintulutan muna ng mga lokal na lider bago ito buksan ng DPWH para sa mga comparative proposals.
“I think we are in the process of finalizing with the local government. Actually, the plan of SMC to build a Boracay bridge was already given initial approval,” ani Bonoan.
“However, before we subject it to a Swiss challenge, we want to find out first whether the project is endorsed by local government units. Our program is that after the election, we have to finalize the arrangement with the LGUs,” dagdag pa nito.
Sinabi pa ni Bonoan na pagtitibayin ng DPWH ang mga susunod na hakbang para sa proyekto sa Hulyo upang mabigyan ng sapat na panahon ang SMC na tugunan ang mga isyu na isinisigaw ng mga stakeholder.
Samantala, kontra naman dito ang Boracay Foundation Inc. (BFI) dahil ang nasabing plano ng SMC na pagpapatayo ng Boracay Bridge, ay makakasira umano sa marine biodiversity at magpapalala sa coastal erosion.
Bukod dito, nabigo din umano ang SMC na ayusin ang Caticlan Airport, ang gateway sa Boracay, na pinatatakbo at pinapanatili ng kumpanya sa pamamagitan ng Trans Aire Development Holdings Corp.
Nais ng BFI na unahin ng SMC ang mga resources at oras nito sa pagsasa-ayos ng Caticlan Airport.
Umaasa din ang grupo na maa-upgrade ang paliparan upang mas maka-engganyo pa ng mga flight mula sa mga foreign carriers.
Para naman sa SMC, ang pagtatayo ng Boracay Bridge sa pagitan ng Boracay Island at Caticlan ay magpapaganda sa daloy ng kalakalan at paglalakbay sa isla.
Batay sa inisyal na disenyo, ang Boracay Bridge ay aabot ng 2.54 kilometro, kung saan ang 1.14 kilometro ay isang limited-access segment.