Connect with us

Aklan News

Ulo ng Grade 2 pupil hinampas umano ng stick at inuntog sa mesa ng kanyang titser, bata takot ng pumasok sa paaralan

Published

on

TAKOT ng pumasok sa paaralan ang isang 7 taong gulang na mag-aaral matapos na paluin siya sa ulo at i-untog sa mesa ng kanyang guro.

Kwento ng ina ng bata, nagtaka na lamang umano siya ng umuwi ang kanyang anak na dumadaing na masakit ang ulo at nagsusuka.

Noong una ay ayaw pa umanong magsabi ng kanyang anak kung ano talaga ang nangyari ngunit kalauna’y napa-kwento niya ang bata.

Sinabi ng pitong taong gulang na estudyante na pinalo siya ng kanyang guro sa ulo at inuntog pa umano siya sa mesa.

Dahil dito ay minabuting i-chat ng ina ang nasabing guro hinggil sa sumbong ng kanyang anak.

Nagpunta umano sa kanila ang nasabing guro at humingi ng paumanhin lalo na sa bata ngunit umiyak ito ng kanyang hawakan.

Depensa naman ng guro, hindi umano nagsusulat at nakikinig ang bata.

Ayon naman sa ina, hindi ito sapat na dahilan upang saktan ang kanyang anak.

Natural lamang aniya na maging malikot, hindi nagsusulat at nakikinig ang kanyang anak dahil bata pa ito.

Dagdag pa nito, hindi siya kontra sa pagdidisiplina ng guro sa kanyang anak ngunit huwag naman umanong humantong sa pananakit sa bata lalo ang pagpalo sa ulo.

“Ang akin lang bakit niya, inuntog yung ulo. Pwedeng ma-hemorrage yung ulo yung bata.”

Sinubukan pa ng ina na makaharap ang guro ng kanyang anak ngunit naging mailap na ito.

Dahil dito, wala na umano siyang tiwala sa naturang paaralan.

Sa kabilang panig, ayon naman sa principal ng paaralan, pag-uusapan na lamang nila ang naturang isyu para magka-ayos na ang dalawang kampo.