Connect with us

Aklan News

Unang executive meeting ng LGU Kalibo, pinangasiwaan ni Bagong Kalibo Mayor Sucro

Published

on

PINANGASIWAAN ni Bagong Kalibo mayor Juris Sucro ang kauna-unahang executive meeting ng Local Government Unit (LGU) Kalibo sa ilalim ng kanyang administrasyon nitong Hulyo a-1.

Layunin ng nasabing pagpupulong na mapakinggan ni Sucro bilang bagong alkalde ng Kalibo ang hinaing ng bawat departamento ng lokal na pamahalaan.

Sa pamamagitan nito, malalaman ni mayor Sucro kung ano ang kanyang magiging unang hakbang sa kanyang pag-upo bilang alkalde.

Napag-usapan sa naturang meeting ang balak na paglipat sa opisina ng Sangguniang Bayan sa bagong building ng LGU Kalibo.

Ito ang naging suhestiyon ni Vice Mayor Dr. Cynthia Dela Cruz gayundin na ipina-abot nito sa alkalde na kailangan nila ng mas malaking opisina upang mas maraming kliyente ang kanilang mapaglingkuran.

Tinalakay din ang hiling ng Office of the Civil Registrar na isailalim na sa computerization program ang kanilang opisina para sa mas mabilis na serbisyo.

Nagpa-abot rin ng kanyang suhestiyon at hiling si Municipal Treasurer Rey Villaruel na kung maaari ay magkaroon sila ng mas malawak na espasyo at iba pang kagamitan gaya ng mas maraming upuan upang hindi mahirap ang mga magbabayad ng buwis at iba pang kliyente sa opisina ng Office of the Municipal Treasurer.

Sang-ayon naman dito ang bise-alkalde dahil maituturing na “lifeblood” ng lokal na pamahalaan ang buwis kung kaya’t nararapatan lamang itong mapagtuunan ng pansin.

Kabilang rin sa mga napag-usapan ang tungkol sa serbisyong medical kung saan planong magkaroon ng mas malaking Rural Health Unit at Birthing Center Facility ng LGU Kalibo upang mas maraming Kalibonhon ang matulungan.

Samantala, pinag-aaralan na sa ngayon ng LGU Kalibo ang tungkol sa mas mabilis na serbisyo at transaksiyon gaya ng pagkuha ng business permit at iba pang dokumento na isa sa mga prayoridad ni Mayor Sucro.