Aklan News
WALANG DEMOLITION SA BAHAY NG MGA TUMANDOK SA BORACAY KUNG WALANG RELOKASYON
Binigyan ng 10 araw ni Boracay Inter Agency Task Force at DENR Sec. Roy Cimatu ang kanyang mga tauhan para masolusyunan ang problema ng mga residente sa Boracay na pinapaalis sa no build zones.
Ito ang napagkasunduan sa ginanap na dayalogo ni Sec. Cimatu at mga residente kasama si Presidential Consultant for Western Visayas Jane Javellana na ginanap kanina sa Caticlan, Malay.
Inutusan ni Cimatu sina Regional Executive Director Livido Duran at CENRO Boracay Rhodel Lababit na maghanap ng available na CARP na lupa sa Boracay na pwedeng paglipatan at patayuan ng pabahay para sa mahigit 380 na mga informal settlers mula sa 30 meters easement, wetlands at forestlands.
Titingnan din kung meron pang maaring gawing relocation sites sa mainland Aklan kung sakaling walang makita sa isla.
Pinapaayos din nito ang pagkakabit ng temporary connections ng tubig at kuryente para sa mga nagsilikas na at lumipat sa ibang lote sa isla dahil sa mga naunang demolitions at bilang naunang ipinangako rin ng BIARMG at lokal na pamahalaan.
Ipinag utos din ni Sec. Cimatu na wala munang demolition na mangyayari hangga’t may pandemya at hindi pa nagagawa ang kanyang ipinag-uutos.
Ito ang kanyang tugon sa ipinadalang self demolition order ni Malay Acting Mayor Frolibar Bautista kamakailan sa mga residente ng Malabunot at Tambisaan.
Matatandaang sa tulong ni Katodo Jonathan Cabrera at NABBSI ay sumulat direkta kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga apektadong residente dahil sa sama ng loob na kanilang dinaranas sa epekto ng ginagawang rehabilitasyon.
Kung kaya’t inatasan ng Pangulo si Cimatu na kausapin at hanapan ng solusyon ang kanilang problema.
Ayon kay Cimatu, ang mga tourism at environment related lang na problema sa isla ang kanilang mandato at obligasyon na sana ng LGU ang isyu ng relokasyon para sa mga mamamayan nito.
Matatapos ang termino ng BIATF sa pagtatapos din ng termino ni Pangulong Duterte sa June 30, 2022.