Aklan News
Warehouse ng Aqua Boracay Hotel nasunog, danyos abot ng P5M
Umabot sa P5 milyon ang inisyal na danyos ng nasunog na bodega ng Aqua Hotel Boracay kaninang madaling araw.
Sa panayam ng Radyo Todo sinabi ni FO1 Teody Mark Emilia ng Bureau of Fire Protection (BFP) Boracay na dakong alas 12:42 sila nakatanggap ng tawag mula sa staff ng hotel.
Malaki na ang sunog nang dumating ang mga responders.
Nabatid na may mga lamang pintura ang bodega kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Medyo malayo naman ang hotel sa kinalalagyan ng bodega kaya hindi ito nadamay at walang nasaktan sa sunog.
Tumagal ng mahigit isang oras ang pag-apula ng apoy bago idineklarang fire out pasado alas-dos.
Katuwang ng BFP ang Boracay Water, BFRAV, Kabalikat Civicom, MDRRMO Malay, Boracay PNP at Boracay New Coast sa pag-apula ng apoy.
Iniimbestigahan pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sanhi ng insidente.