Aklan News
WETLAND SA BORACAY NA BINUHAY NG EDC, IBINALIK NA SA PANGANGALAGA NG DENR
Matapos ang mahigit tatlong taong rehabilitasyon, Ibinalik na ng Energy Development Corporation (EDC) sa pangangalaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Wetland NO. 2 sa Balabag, Boracay kasabay sa paggunita ng World Wetlands Day 2022, kahapon.
Sa panayam ng Radyo Todo kay kay DENR 6 Regional Executive Director Livino B. Duran, ang Wetland No. 2 ay isang kumpletong wetland project mula sa EDC na isa sa mga adopter ng DENR sa ilalim ng “Adopt-a-Wetland Program”.
Sa ginanap na selebrasyon kahapon, pormal na tinanggap ni Duran mula kay Mr. Anson M. Tagtag, OIC Chief ng Caves, Wetlands and Other Ecosystems Division ng DENR-Biodiversity Management Bureau ang isang coffee table book na may titulong “Wildlife Treasures”.
Sumisimbolo ito ng paglipat ng responsibilidad ng EDC sa DENR para ipagpatuloy ang pangangalaga sa Wetland No. 2 na tinatawag ngayong Boracay Wetland Conservation Area.
Nagsimula ang rehabilitasyon na ginawa rito noong 2019 at kung saan ni-restore at tinaniman nila ito ng iba’t-ibang native species ng puno para maging eco-tourism friendly ang lugar.
Kabilang din sa mga itinayo dito ang viewing deck kung saan makikita ang Mt. Luho at mga kalapit na lugar.
Bukas ani Duran sa publiko ang Wetland No. 2 dahil ang pangunahing layunin nito ay maging social laboratory para sa mga environmental learnings.
Bukod sa pag turn-over, binigyang pagkilala din sa pagdiriwang ng World Wetlands Day 2022 kahapon ang partnership sa wetland conservation sa ilan pang mga private companies tulad ng Aboitiz Equity Ventures Inc., Boracay Tubi System Inc., at J.G. Summit Petrochemical Corp. MAS/RT