Antique News
Isda mula sa Antique, ‘safe’ kainin
Nilinaw ng Provincial Health Office ng Antique na ligtas kainin ang mga huling isda mula sa kanilang lalawigan.
Ayon kay Prof. Garner L. Alolod ng University of Antique, ang mga isda ay kinokonsiderang mga surface o bottom feeders na nangangahulugang sa ibabaw o ilalim ng dagat kumakain.
Ang mga isdang ito ay kumakain lamang ng lumot, maliliit na mga organismo at mga maliliit na isda sa dagat at kadalasan sa mga ito ay migratory o hindi nananatili sa isang lugar.
Itong mga surface feeders na isda ay ang kalimitang ibinebenta at available sa mga tindahan at talipapa.
Samantala, ang mga bottom feeders naman na kinokonsiderang mga carnivorous o kumakain ng karne ay hindi pumupunta sa ibabaw ng dagat para kumain.
Dahil dito, maliit lamang o walang tsansang ang mga kinakain nating isda ay kumakain rin ng bangkay ng tao.
Pinaalalahanan din ng Antique Provincial Health Office na lutuing mabuti ang ating mga pagkain at panatilihin ang pagkain ng masustansiyang pagkain upang maka-iwas sa sakit.
Ugaliin din umanong i-check ng mabuti ang mga pinagmumulan ng balita at huwag basta-bastang maniwala sa mga maling ispekulasyon o kuwento na nagreresulta ng negatibong epekto sa hanapbuhay at komunidad.
Matatandaang kumalat sa social media na ipinagbabawal ang pagkonsumo ng mga isda dahil sa umano’y bangkay na inanod sa dagat kasunod ng pagkasira ng bahagi ng isang sementeryo sa Sebaste, Antique bunsod ng bagyong Ferdie at Habagat.