Business
Dagdag na buwis sa tuyo, daing at mga salty products nais ng DOH
Isinusulong ngayon ng Department of Health (DOH) na patawan ng dagdag na buwis ang mga maalat na pagkain kabilang ang tuyo, daing, dilis, at pati na ang noodles.
Ito ang nakikitang paraan ng gobyerno upang ilayo ang publiko sa labis na pagkain ng maalat na pagkain na nakapagdadala ng masasamang karamdaman.
Pahayag ni DOH Secretary Francisco Duque III, kung naging mabisang paraan ang pagdadagdag ng buwis sa ilang produkto para mabawasan ang pagkonsumo ng mga Pilipino, magiging mabisa rin umano ito sa mga salty products na ibinebenta sa merkado.
“We’ve seen the positive effects on increasing taxes on sin products, the same strategy might work also for excessive consumption of salt. We did the same thing for taxing sugar sweetened beverages. So it might be the most effective way to go,” ani Duque.
Hindi naman kumporme ang mga senador sa panukala ng DOH.
Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III, na hindi na dapat pagdiskitahan ng DOH ang pagkain na karaniwang kinakain ng mga Pinoy.
Tutol din sina Senador Francis Tolentino, Senate Minority Leader Franklin at Imee Marcos.
Pinag aaralan na ngayon ng Department of Trade and Industry ang nasabing panukala.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, marami ang matatamaan sa pagtaas ng buwis sa mga salt products.
“On the industry, lalo na pag food product, ideally walang tax sana. Lalo na yang salt. Maraming tatamaan pag salt,” sambit nito.
Inihayag ng DTI na marami nang mga bansa ang nagsasagawa ng sistema para mabawasan ang salt intake ng kanilang mga mamamayan.
Sa inilabas na ulat ng World Health Organization (WHO) at United Nations Interagency Task Force (UNIATF), isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng malubhang karamdaman ng mga Pilipino ang pagkonsumo ng maaalat na pagkain.