Business
DTI at Converge ICT magkatuwang para sa MSMEs internet connectivity
Nagkasundo ang Department of Trade and Industry (DTI) at Converge ICT Solutions, Inc. upang pagbutihin ang internet connectivity para sa Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) sa buong Pilipinas. Ang kasunduang ito ay naglalayong maghatid ng mabilis at maaasahang internet sa mga liblib na lugar upang suportahan ang digital transformation ng MSMEs at palakasin ang kanilang competitiveness sa lokal at pandaigdigang merkado.
Ayon kay Acting Trade Secretary Cristina Aldeguer-Roque, napakahalaga ng mas magandang connectivity sa mga malalayong lugar na kulang pa rin sa sapat na internet access. “Part ito ng mas malawak na estratehiya ng DTI para bigyang kapangyarihan ang MSMEs sa pamamagitan ng pagbibigay ng access sa digital infrastructure, na esensyal sa modernong operasyon ng negosyo,” diin niya. Sa kasunduan, tututukan ng Converge ang mga lugar kung saan may umiiral na silang business centers dahil ito’y importante para sa mga MSMEs sa pagpaparehistro at pagpapalawak ng kanilang mga negosyo.
Nagpahayag din si Converge CEO Dennis Anthony H. Uy sa kanilang dedikasyon na bigyan ng “fighting chance” ang MSMEs upang maabot ang mas malawak na audience, lokal man o internasyonal.
Sa pamamagitan ng pinabuting digital tools at platforms plano nilang gamitin ang kanilang malawak na fiber optic network upang mauna ang mga business centers na nangangailangan nito.
Batay sa datos mula sa DTI E-commerce office, marami pa rin sa mga MSME sa ating bansa ang mababa ang antas ng digitalization. Ipinakita ng isang survey na marami sa mga negosyong ito ang hindi gumagamit ng ICT tools o gumagamit lang ng basic digital tools gaya ng email at Microsoft Office.
Layunin ng DTI at Converge na punan ang kakulangan na ito sa pamamagitan ng enhanced connectivity upang mahikayat ang MSMEs na gumamit ng mas advanced digital solutions.
Ang kolaborasyong ito ay inaasahang magiging mahalagang bahagi ng patuloy na pagsisikap na palaguin ang ekonomiya at bumuo ng inobasyon sa sektor ng MSME, na malaking bahagi ng ekonomiya ng Pilipinas. Ang inisyatiba ay umaayon sa mas malawak na layunin ng gobyerno na magtatag na dynamic at inclusive business environment sa pamamagitan ng strategic partnerships at teknolohikal na pag-unlad.
Ito’y ilan lamang sa mga hakbang upang siguraduhing hindi mapag-iiwanan ang ating mga MSME sa mabilisang pagbabago ng digital landscape.