Connect with us

Business

FDA, nagbabala sa publiko laban sa pagtangkilik ng peanut butter, apat pang produkto na walang sertipikasyon

Published

on

Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko laban sa pagbili at paggamit ng limang produkto na hindi ligtas at walang sertipikasyon.

Batay sa FDA Advisory Number 2019-448, tinukoy ang food products na hindi awtorisado at walang Certificate of Public Registration bilang Skinny Coffee Detox Instant Drink Mix with L-Carnitine, Garcinia Cambogia, Green Tea Extract, Glutathione and Collagen; Ludy’s Instant Ginger Punch Salabat with Lemon; Merlyn’s Peanut Butter; Bless Peanut Butter; at Enteng Edibles King of Fire Chili Sauce All Natural.

Ipinaliwanag ng ahensya na dahil hindi sumailalim sa evaluation process ang mga naturang produkto ay hindi tiyak ang kalidad at kaligtasan nito at maaari pang magdulot ng panganib sa kalusugan ng consumers.

Inabisuhan rin ng FDA ang regional offices, regulatory enforcement units, at mga pamilihan na iwasang ipakalat ang mga produkto hangga’t walang nakukuhang CPR.

Maaari namang makita ng publiko sa FDA website na www.fda.gov.ph kung ang isang produkto ay mayroong sertipikasyon.

Mababatid na nakasaad sa Food And Drug Administration Act of 2009 na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit, pagbenta, pag-angkat, pamamahagi at pag-manufacture ng mga produktong hindi rehistrado sa FDA.

By: Hajji Kaamino

Via/Source: radyopilipinas