Business
LYKA, INIIMBESTIGAHAN NG BIR DAHIL SA HINDI UMANO PAGBABAYAD NG BUWIS
Iniimbestigahan ngayon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang social media platform na Lyka dahil sa hindi umano pagbabayad ng buwis.
Ayon kay Internal Revenue Deputy Commissioner Arnel Guballa, nakarehistro ang Lyka sa revenue district office (RDO) 39 ng BIR sa Quezon City, subalit ito ay hindi umano nagbabayad ng buwis.
“I instructed the investigation,” ani Guballa.
Dagdag pa niya, inaalam pa ng kagawaran ang kabuuang halaga ng mga hindi nabayarang buwis ng Lyka. Iniimbestigahan din umano nila ang ibang paglabag ng Lyka sapagkat nagsilbi silang payment system operator kahit na hindi sila nakarehistro para gawin ito.
Sinabi pa ni Guballa na babantayan ng BIR ang Lyka matapos ipatigil ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kanilang operasyon.
Ang Lyka ay isang platform kung saan ang kanilang mga users ay maaaring makabili ng mga produkto at serbisyo gamit ang tinatawag na GEMs o mga gift cards na naka-electronic mode.
Ang bawat social media engagement ng mga Lyka user ay may katumbas na GEMs na maari nilang matipon gamit ang digital point system. Ayon pa sa Lyka, maaaring maipasa ng mga user ang kanilang mga GEMs sa ibang tao. Kadalasan ay ginagamit ang mga GEMs upang ipang-redeem sa Lyka Malls at kanilang mga partner-stores ng mga produkto tulad na lamang ng mga gift certificates, gadgets, at maging hotel accommodations.
May mga naiulat nang celebrity at social media influencers na gumagamit ng Lyka GEMS upang bumili ng mga mamahaling produkto gaya ng mga sasakyan.
Noong nakaraang taon ay nagsimula nang tugisin ng BIR ang mga hindi nakarehistrong mga online business upang singilin sa mga nababayarang buwis.
Nakabinbin din sa Kongreso ang pagtalakay sa mga hakbang upang kolektahin ang 12-percent value-added tax (VAT) mula sa mga digital services and transactions na hindi pa rin saklaw ng kasalukuyang Tax Code.