Business
Magkakaroon ng rollback sa produktong petrolyo simula ngayong araw Mayo 17
Ayon sa Unioil Petroleum Philippines, inaasahang magkakaroon ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong, Mayo 17.
Nakikitang malaki ang ibaba sa presyo ng diesel, ngunit hindi gaano sa gasolina sapagkat nanatiling “worrisome” ang supply nito sa global market.
Sa forecast ng Unioil, sinabi nila na maaaring bumaba ng P2.90 hanggang P3.00 kada litro ang halaga ng diesel, habang bababa lamang ng P0.40 hanggang P0.60 kada litro ang presyo ng gasolina.
Ito lamang ang pang-limang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong taon. Ngunit, hindi ito nararamdaman dahil sa 15 na beses na pag-taas sa presyo ng petrolyo dulot ng iba’t ibang factors, tulad ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Noong isang linggo, pinatupad ng mga kumpanya ang oil price hike, kung saan tumaas ng P4.20 kada litro ang gasolina, P4.20 kada litro rin sa diesel at P5.85 kada litro naman sa kerosene.
Dahil dito, ang kabuuang price adjustments simula ng taong 2022, ay nasa P22.00 kada litro para sa gasolina, P34.50 kada litro para sa diesel at P29.75 kada litro para sa kerosene.