Business
Muling pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel asahan na bukas!
Muling magkakaroon ng malaking pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong linggo, simula bukas, Hunyo 14, 2022, ayon sa projection ng Unioil Petroleum Philippines.
Sa kanilang fuel price forecast para sa Hunyo 14 hanggang 20, sinabi ng Unioil na tataas ng P4.30 hanggang P4.50 ang presyo ng diesel kada litro, habang maaaring tumaas ng P1.50 hanggang P1.60 kada litro ang gasolina.
Kadalasang nag-papahayag ng fuel price adjustments ang mga oil companies tuwing Lunes, at ipapatupad ito sa susunod na araw.
Noong isang linggo, nagpatupad ng oil price hike ang mga fuel firms kung saan tumaas ang presyo ng diesel ng P6.55 kada litro, at P2.70 kada litro naman para sa gasolina.
Dahil dito, ang kabuuang year-to-date adjustments ay may net increase ng P26.55 kada litro para sa gasolina at P36.85 kada litro naman para sa diesel.
Ayon sa data mula sa Department of Energy, ang halaga ng gasolina ay naglalaro mula P75.70 hanggang P86.16 kada litro sa Quezon City, habang ang diesel ay mula P78.15 hanggang P82.15 kada litro sa Manila (as of June 9).