Business
Online shopping apps na nagbebenta ng mga pekeng produkto, nais patawan ng parusa ni Gatchalian
DAPAT PANANAGUTIN ang mga online shopping app na nagbebenta ng mga pekeng produkto, ito ang nais ni Sen. Sherwin Gatchalian.
Ayon sa senador, dapat itong managot para mapigilan ang mga produktong maaaring mapanganib sa kalusugan ng mga Pilipino.
Kailangan umanong lumikha ng hakbang ang gobyerno para tumulak sa mga online shopping firm na pagbawalan ang mga traders sa pagnegosyo ng mga naturang produkto.
Inihayag ito ni Gatchalian, matapos talakayin ng panel ang kanyang Senate Bill 1591, na naglalayong pangalagaan ang e-commerce sa Pilipinas.
“Right now it is self-regulation. They are self-regulating themselves and it is not working because marami pa ring nakakalampas,” aniya, na tinutukoy ang Shopee at Lazada, ang 2 pinakamalaking online shopping apps sa Pilipinas.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga online merchant at shopping platform na magbebenta ng mga peke o hindi rehistradong produkto ay kailangang magbayad ng multa na katumbas ng 100 porsyento ng halaga ng digital goods.
Ayon sa panukala, ang mga e-commerce platform at mga online seller na mabibigong magsumite ng kumpletong detalye ng kanilang shops at goods ay maaaring harapin ang hiwalay na multa na nasa pagitan ng P500,000.00 at P5 milyon.
“We don’t want the Philippines to be the dumping ground of illegal products,” ani Gatchalian.