Business
Presyo ng petrolyo, muling tataas simula ngayong araw
Tataas muli ang presyo ng mga petrolyo simula ngayong Martes ng umaga, Oktubre 19, 2021.
Ito na ang ikawalong sunod-sunod na linggo na patuloy na tumataas ang presyo ng petrolyo, kung saan repleksyon ito ng galaw ng presyo sa world market.
Tataas ng P1.80 bawat litro ang halaga ng gasolina, habang P1.50 bawat litro naman ang itataas ng diesel, at halagang P1.30 bawat litro ang itataas ng kerosene.
Simula nang na-adjust ng mga oil firms ang presyo ng gasolina noong Agosto 31, umakyat ito sa P7.20 bawat litro, habang ang diesel ay tumaas ng P8.65 bawat litro. Tumaas din ang halaga ng kerosene ng P8.05 bawat litro sa nagdaang walong linggo.
Samantala, ang latest na year-to-date presyo ng gasolina ay may net increase ng P16.9 bawat litro, P14.45 bawat litro naman para sa diesel, at P11.95 bawat litro ang kerosene.
Simula 6 a.m. ngayong Oktubre 19, ipapatupad na ng Seaoil, Phoenix Petroleum, Petron Corp., PTT Philippines, Caltex, Total Philippines at Pilipinas Shell ang kani-kanilang price increase adjustments.
Samantala, sinabi ng Cleanfuel na 4:01 p.m. pa nila i-aadjust ang kanilang presyo ng petrolyo.