Business
Senior Citizens at PWDs, maaari nang magtrabaho sa McDonald’s Manila
Maaari nang tumanggap ng mga ‘senior citizens’ at ‘PWDs’ na mga empleyado ang MCDonald’s sa 40 stores nito sa Maynila.
Naghahanap ngayon ang McDonald’s ng 80 senior citizens at 40 PWDs na magtatrabaho bilang mga order presentors, drink drawers, table managers at guess relation staff.
May kaugnayan ito sa nilagdaang ‘memorandum of agreement’ ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno at McDonald’s Phl CEO Kenneth Yang na nagsasaad ng pagbibigay ng oportunidad sa mga senior citizens at PWDs na naghahanap ng trabaho.
Sa ilalim ng kasunduan, magtatrabaho lamang ang mga senior citizens sa loob ng apat na oras kada araw at maaaring kumita ng P5000 sa loob ng isang buwan.
Nakapaloob din dito na limang araw lamang sa isang linggo sila pwedeng magtrabaho.
Gayunpaman, ang mga PWDs kabilang ang bingi at pipe ay magtatrabaho ng walong oras kada araw gaya ng sa mga regular na ‘crew members’.
Sinabi ni McDonalds Philippines managing director Margot Torres, na ‘direct hiring’ lamang ang kanilang gagawin, hindi ‘contractual at endo’.
“Ang training na binibigay namin sa crew at managers, yan din ang training sa mga McDonalds sa ibang bansa,” saad pa ni Torres.
Kaugnay nito, makakatanggap rin ng 13th month pay at mapapasama sa ‘group life assurance’ ang 120 mga empleyado na mabibigyan ng pagkakataon.
Pero kinakailangan muna na makapasa sa physical, medical, at laboratory exam ang mga ito bilang katunayang sila ay ‘fit to work’at dapat magpasa ng certification mula sa barangay at Mayor’s permit galing sa Manila Health Department.
Kaugnay nito, sinabi ni Mayor Isko, ““We want our senior citizens, PWDs to be a part of society and help our economy.”
Nagpaalala rin ang alkalde sa mga senior citizens at PWDs na mabibigyan ng pagkakataon na huwag sayangin ang oportunidad na maibibigay sa kanila.