Capiz News
2 miyembro ng Philippine Army sugatan sa engkwentro kontra CPP-NPA sa Tapaz, Capiz
Sugatan ang dalawang miyembro ng Philippine Army sa engkwentro kontra sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) sa Brgy. Siya, Tapaz, Capiz.
Naganap ang engkwentro matapos lusubin ng mga militar ang lugar dahil sa ulat na may nagaganap na extortion doon ng mga taga-CPP-NPA.
Ayon kay Captain Kim Apitong, OIC – Spokesperson ng 3rd Infantry Division naaktuhan mismo ng mga militar ang ginagawang extortion ng mga rebeldeng grupo sa pamamagitan ng paghingi ng pera, pagkain, at iba pang pwede nilang mapakinabangan.
Sinabi ni Agapitong na daplis lamang ang tinamo ng dalawang miyembro ng militar matapos magkaroon ng engkwentro sa dalawang grupo. Posible aniyang may nasugatan rin sa kabilang hanay.
Narekober ng mga militar sa lugar ang isang rifle grenade na may apat na bala, 10 mga cellphone, mga pagkain, mga flashdrive, at iba pang mga gamit ng mga rebelde na naiwan sa lugar.
Dagdag ni Agapitong, patunay aniya ang pag-i-extort ng mga rebelde na nawawalan na sila ng sumusuporta sa kanilang gawain.