Capiz News
40 anyos na lalaki arestado matapos mahulihan ng baril sa Ivisan, Capiz


Inaresto ng kapulisan ang isang 40-anyos na lalaki matapos mahulihan ng baril sa Sitio Sayuyan, Brgy. Malocloc Norte, Ivisan, Capiz dakong alas-10 ng gabi nitong Martes.
Kinilala sa report ng Ivisan PNP ang suspek na si Buenvinido Alcazaren, residente ng Brgy. Culajao, Roxas City pero temporaryong umuuwi sa Brgy. San Jose sa nasabing lungsod.
Batay sa paunang imbestigasyon ng kapulisan, isang 18-anyos na babae ang tumawag sa kapulisan matapos mamataan nito ang suspek na may dalang baril habang nasa labas ng kanilang bahay.
Agad namang rumesponde ang kapulisan sa lugar kung saan nailawaan ng kanilang patrol ang suspek habang nasa loob ng kaniyang tricyle at may hawak na baril.
Nakumpiska ng kapulisan sa lalaki ang isang caliber .22 at apat na bala ng parehong kalibre.
Inamin ng suspek sa kapulisan na wala siyang mga kaukulang dokumento kaugnay sa nasabing baril.
Nakakulong ngayon sa Ivisan PNP Station ang suspek habang inihahanda ng kapulisan ang kasong paglabag sa Republic Act 10591 na isasampa laban sa kaniya.