Capiz News
BAGONG DOUBLE YOUR MONEY INVESTMENT SCHEME SA CAPIZ PINAIIMBESTIGAHAN NG GOBERNADOR
Pinaiimbestigahan ng maigi ni Gov. Nonoy Contreras sa kapulisan at sa National Bureau of Investigation (NBI) ang sinasabing bago na namang double your money investment scheme sa Capiz.
Ito ang laman ng sulat ng gobernador kay Dir. Manuel Fayre, Jr., director ng NBI Capiz, at kay PCol. Winston De Belen, director ng Capiz Provincial Police Office nitong Enero 28.
Ayon kay Contreras, ilang personalidad umano ang inuugnay sa maituturing na iligal na aktibidad kabilang na siya.
Nais ng gobernador na alamin ng kinauukulan kung sino ang nasa likod ng nasabing aktibidad at ipatigil ito sa madaling panahon. Nais rin niyang managot ang mga sangkot rito.
Gusto ni Contreras na maalis na sa probinsiya ang bansag na “scam capital of the country” at maprotektahan ang taumbayan sa pinaghirapan nilang mga pera.
Mababatid na nitong nakaraang taon, maraming mga Capiznon ang nabiktima ng double your money scheme ni Don Chiyuto at hindi na nabawi ang ininvest nilang mga pera matapos itong ipinasara.