Capiz News
Board member hinikayat ang mga investors na kasuhan si Chiyuto, pati uplines, atbp.
Muling hinikayat ng isang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Capiz ang mga investor na kasuhan si Don Chiyuto pati na ang mga uplines nito at iba pa na sangkot sa “scam”.
Sa panayam ng Radyo Todo Capiz nitong Miyerkoles, sinabi ni Board Member Atty. Bulilit Martinez na dapat masampahan ng kaso si Chiyuto habang buhay pa ito.
Hinikayat rin nito ang mga investor ni Chiyuto sa kaniyang “double your money” investment na sampahan rin ng kaso pati ang mga upline o ang mga nanghikayat sa kanila na sumali rito.
Pwede rin aniyang masampahan ang mga radio personality na nanghikayat at nagpaasa sa taumbayan sa kanilang “pay-out”.
Pwede ring sampahan ang mga runner ni Chiyuto, driver, guwardiya at iba pa na kasama sa operasyon ng kaniyang investment na ayon sa Board Member ay isang “scam”.
Binigyang-diin nito na ang kapag nasampa na ang kaso sa korte, maaari nang maglabas ng warrant of arrest ang korte para hanapin at arestuhin si Chiyuto.
Ang mga kaso rin umanong ito ang magiging basehan para makapaglabas ang korte ng Hold Departure Order para hindi na makalabas pa si Chiyuto sa bansa.
Samantala, sa ginanap na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan nitong Martes napagkasunduan ng mga miyembro na magpasa ng resolusyon na humihingi ng imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) tungkol sa umano’y pagkidnap kay Chiyuto noong Marso 16.
Naniniwala naman ang opisyal na malabo nang magkaroon pa ng pay-out.