Connect with us

Capiz News

Call center company sa Roxas City nanindigan na walang local transmission ng COVID-19

Published

on

Nanindigan ang ePerformax-Roxas na wala silang local transmission ng COVID-19 sa kanilang opisina sa kabila ng ulat na may mga nagpositibo sa COVID-19 sa kanilang mga empleyado.

Ito ang naging pahayag ni Neil Ilagan, Provincial Recruitment Manager at COVID-19 Response Team Lead ng naturang call center company, sa naging panayam ng Radyo Todo Capiz umaga ng Lunes.

Ayon kay Ilagan, bagaman lima sa mga empleyado nila ang nagpositibo sa COVID-19, wala umanong direct contact ang mga nasabing empleyado sa isa’t isa sa loob ng opisina.

Dalawa aniya sa mga kompirmadong kaso ang nakarekober na at nakabalik na sa trabaho habang ang tatlo ay inoobserbahan pa.

Iginiit niya na mahigpit ang kompaniya sa pagpapasok sa kanilang mga empleyado sa trabaho. Required aniya ang mga empleyado na magsuot ng face shield at facemask kapag nasa loob ng gusali.

Kinukuhanan rin ng temperature ang mga pumapasok na empleyado at ipinasusumite ng checklist bago makapasok sa trabaho.

Kompiyansa aniya siya sa mga ipinatutupad nilang mga health protocols sa trabaho gaya ng contact tracing, social distancing, at araw-araw na disinfection ng bawat kuwarto sa kanilang opisina.

Sinabi pa niya na agaran ang kanilang naging aksiyon nang may nagpositibo sa kanilang mga empleyado sa pamamagitan ng pagsasagawa ng contact tracing at hindi muna pagpapasok sa mga naka-close contact nito habang nagku-quarantine.

Pinasiguro pa niya na ginagawa ng kompaniya ang lahat para mapangalagaan at maproteksyonan ang kanilang mga empleyado.

Continue Reading