Capiz News
Christmas Village sa Panay tuloy ang pagpapailaw
Muling papailawin ang Christmas Village sa bayan ng Panay dito sa Capiz kaso lilimitahan nalang para maiwasan ang pagdagsa ng mga bisita.
Nabatid na nitong nakalipas na gabi pansamantala munang pinahinto ng gobyerno munisipal ang pagpapailaw sa taunang Christmas Village.
Kasunod ito ng pagdagsa ng mga tao sa lugar noong Linggo ng gabi na ikinabahala ng marami dahil sa hindi pagsunod sa ilang mga health protocols gaya ng social distancing.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Konsehal Rogelio Besorio, Association of Barangay Captains President, sinabi nito na napagkasunduan sa pagpupulong mga opisyal ng munisipyo na ipagpapatuloy ang pagpapailaw pero lilimitahan lamang nila mula alas-10:00 hanggang alas-12:00 ng gabi na pasok na sa curfew hours.
Humingi ito ng despensa sa nangyari sa mga nakalipas na gabi habang pinasiguro naman nito na itutuloy ng gobyerno lokal ang pagpapailaw para mapanatili parin ang tradisyon ng Panay-anon tuwing kapaskuhan.
Ang Christmas Village ay isa sa mga atraksyon taon-taon sa Panay na dinarayo di lamang ng mga taga-Capiz kundi pati na ng mga taga-ibang probinsiya.