Capiz News
Dating OFW pinagbabaril, pinagtataga sa Tapaz, Capiz
Pinagbabaril at pinagtataga hanggang mapatay ang isang dating Overseas Filipino Worker (OFW) sa kubo ng kaniyang maisan sa Brgy. Agpalali, Tapaz, Capiz.
Kinilala ang biktima na si Lornalee Gallenero, 54-anyos, residente ng nasabing lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Tapaz PNP, naganap ang insidente umaga ng Miyerkoles, Marso 12, sa maisan ng biktima matapos itong bumisita roon para anihin ang ilang mais.
Narekober ng kapulisan ang pitong basiyo ng di-dose sa pinangyarihan ng krimen.
Sa panayam ni KaTodong Butchoy Gardose, sinabi ng imbestigador na si PSMSgt. Rocer Garde na nasa walong kalalakihan ang responsable sa pagpatay sa biktima.
Pinangunahan umano ni Ariel Olog ang krimen. Si Ariel ay anak ng pinatay na si Gerry Olog at natagpuang nakalibing sa Brgy. Abangay sa nasabing bayan noong nakaraang linggo.
Sinabi ni PMSgt. Garde na hirap parin silang matukoy ang suspek sa pagpatay kay Gerry Olog.
Samantala, nabatid na si Ariel ay wanted person ng Tapaz PNP sa kasong murder matapos siyang ituro sa pagpatay sa isang miyembro ng pamilya ni Gallenero noong nakaraang taon.
Isa sa tinitingnang anggulo ng Tapaz PNP sa mga krimeng ito ay ang paghihiganti ng magkabilang pamilya.
Pinaghahanap na ngayon ng kapulisan si Olog at ang mga kasama nito.