Capiz News
E.O. ni Mayor Dadivas parte sa tricycle franchising, ‘invalid’ ayon kay Gov. Contreras
Pinuna ni Governor Nonoy Contreras ang Executive Order na inilabas ni Mayor Ronnie Dadivas kaugnay ng franchise renewal ng mga tricycle sa lungsod ng Roxas na ito ay hindi balido.
“After careful review of Executive Order No. 7, Series of 2021 entitled, ‘An Order Prescribing Rules and Policies on Franchising, Regulation, and Operation of Tricycles for Hire in the City of Roxas,’ the same is deemed ultra vires, thus, invalid,” bungad ng liham na ipinadala ng gobernador sa alkalde nitong Marso 25.
Inilahad sa liham na ang nasabing E.O. ay hindi sumusunod sa Local Government Code of 1991. Ayon kay Contreras, labas na umano sa kapangyarihan ng alkalde ang pagregulate ng tricycle franchising at operasyon nito.
Bagaman sinasaad aniya sa parehong Code na may kakayahan ang alkalde na magbigay ng mga permit at mga license, ang pagtatakda ng mga tuntunin at pulisiya sa prangkisa at regulasyon sa operasyon ng tricycle ay hindi gawain ng ehekutibo kundi ng Sangguniang Panlungsod.
Sinabi sa liham na ang hakbang ng alkalde ay pag-apak sa kapangyarihan ng lehislatura na gawin ang kanilang trabaho.
Dagdag ng gobernador, napansin rin nito na ang E.O. No. 7 bagaman dumaan sa konsultasyon ng publiko, ito ay malabo sapagkat hindi nakasaad rito ang anomang atas o direktiba tungkol sa regulasyon sa prangkisa at operasyon ng mga pampasaherong tricycle.
Mababatid na naging kontrobersyal ang nasabing E. O. ng alkalde dahil sa ilang mga pagbabago sa renewal ng mga prangkisa ng tricycle kabilang na rito ang pagtanggal ng prangkisa sa mga regular na empleyado ng gobyerno.