Capiz News
General Community Quarantine sa Capiz, pag-aaralan ng gobyerno probinsyal
Nakatakdang magpulong sa darating na Lunes, Abril 27 ang mga miyembro ng Provincial Inter-Agency Task Force kontra sa COVID-19 para pag-usapan ang posibleng pagsasailalim sa probinsiya sa General Community Quarantine (GCQ).
Kasunod ito ng inanunsiyo ng Malacañang nitong araw ng Biyernes na kabilang ang probinsiya ng Capiz sa posibleng isailalim sa GCQ o “New Normal” mula sa Enhanced Community Quarantine matapos ang re-checking.
Ayon kay Governor Nonoy Contreras, sa ngayon nasa ilalim parin ng ECQ ang lalawigan at nanawagan sa taumbayan na manatili sa kani-kanilang mga tahanan at sumunod sa mga pinaiiral na batas ng gobyerno.
Tiniyak naman ng gobernador na kung sakaling maaprubahan ang pagsasailalim ng Capiz sa GCQ, mahigpit paring ipatutupad ang mga alituntunin para maiwasan ang pagkalat ng virus gaya ng ‘social distancing’ at pagsusuot ng ‘face mask’.
Dagdag pa niya na kapag naaprubahan ang pagbiyahe ng mga sasakyan sa mga kabayanan, pagtutuunan nalang ng gobyerno probinsyal ang pagpapatupad sa provincial border checkpoint.
Mababatid na nasa isang linggo na na walang naitalang panibagong kaso ng tinamaan ng virus sa probinsiya.